Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon, ang Sangguniang Kabataan (SK) Council ng Barangay Centro 14, Aparri, Cagayan, sa pangunguna ni SK Federation President at Ex-officio Board Member Jirowell Alameda, ay nagsagawa ng isang makabuluhang Feeding Program para sa mga bata ng kanilang barangay. Ang programang ito ay naglalayong masiguro na ang mga kabataan sa komunidad ay magkakaroon ng sapat at tamang nutrisyon, na mahalaga para sa kanilang kalusugan at pag-unlad.
Kasabay ng Feeding Program, na akma rin sa pagbubukas ng bagong taong panuruan, namahagi rin si BM Alameda at ang SK Council ng mga school supplies para sa mga mag-aaral mula kinder hanggang kolehiyo. Ang inisyatibang ito ay isang malaking tulong sa mga magulang upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagbili ng mga gamit sa paaralan, lalo na’t sa kasalukuyang panahon na mataas ang mga presyo ng bilihin.
Ang mga aktibidad na ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ni BM Alameda na magbigay ng kamalayan sa mga kabataan tungkol sa tamang nutrisyon at ang kahalagahan ng edukasyon. Naniniwala si BM Alameda na ang pagtuturo ng tamang nutrisyon at pagsuporta sa edukasyon ay susi sa paghubog ng masigla at matalinong kabataan na magiging kinabukasan ng bayan.
Nagpaabot din ng taos-pusong pasasalamat si BM Alameda kay Barangay Captain Rowell Alameda at sa iba pang opisyal ng barangay sa kanilang buong-suportang pakikiisa sa mga aktibidad na ito. Ang matagumpay na pagtutulungan ng SK Council at mga opisyal ng barangay ay patunay ng kanilang dedikasyon sa pagpapabuti ng kalagayan ng kanilang komunidad, lalo na ang kapakanan ng mga kabataan.
About Gov.ph
Contact Us
About Gov.ph