Isinagawa ng Ika-12 Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan, sa pangunguna ni Pangalawang Gobernador Manuel Mamba at ng mga kasaping Bokal, ang deliberasyon kasama ang mga pinuno ng iba’t ibang departamento ng Pamahalaang Panlalawigan kaugnay ng mga investment plans para sa mga programa, proyekto, at aktibidad ng mga frontline services ng probinsya, bilang bahagi ng 2026 Executive Budget.
Layunin ng deliberasyong ito na matiyak na ang panukalang budget ay maipapasa nang naaayon sa mga layunin at prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, na nakatuon sa tapat na pamamahala, inklusibong pag-unlad, at episyenteng paghahatid ng mga serbisyong pampubliko para sa lahat ng Cagayano.
Binigyang-diin ni Pangalawang Gobernador Mamba ang mga prinsipyong dapat pairalin sa buong proseso ng pagbuo ng budget. Aniya, “Honesty and integrity in governance must be upheld. We must preserve the integrity of the government. To work efficiently, we aim to pass an almost perfect budget. Hopefully, we could pass it on time.”
Dagdag pa niya, ang budget ang pinakamahalagang panukalang batas na kailangang maipasa sapagkat ito ang nagsisilbing gabay sa paghahatid ng mga serbisyo, tulong, at direksyon para sa kapakanan ng mamamayan ng lalawigan.
Iminungkahi rin ni Pangalawang Gobernador Mamba na kung maaari ay mapanatili sa plano ng probinsya ang mga proyekto, programa, at aktibidad mula sa mga nagdaang administrasyon na napatunayang kapaki-pakinabang sa bawat Cagayano. Kasabay nito, inihayag niya ang kanyang suporta sa mga bagong programa na inilalatag ng Administrasyon ni Gobernador Edgar Aglipay.
Sa naturang deliberasyon, binigyang-pansin ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang masusing pagsusuri sa bawat alokasyon at programa upang matiyak na ang budget ay malalatag nang wasto batay sa tunay na pangangailangan ng bawat Cagayano. Bahagi nito ang pagtitiyak na ang mga pondo ay mapupunta sa mga proyektong may pinakamalaking epekto sa kabuhayan, kalusugan, edukasyon, at patuloy na pag-angat ng pamumuhay ng mga mamamayan sa bawat bayan at lungsod ng Cagayan.
Ipinakita sa deliberasyon ang matibay na paninindigan ng Sangguniang Panlalawigan na maipasa ang 2026 Executive Budget sa tamang oras, bilang suporta sa mga pangunahing prayoridad at pangmatagalang layunin ng lalawigan.
-AH
About Gov.ph
Contact Us
About Gov.ph