Sa ika-100 regular session ng Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan, naipasa ang isang mahalagang ordinansa na magtataas ng stipend ng mga iskolar sa ilalim ng Provincial Scholarship and Financial Assistance Program ng pamahalaang panlalawigan. Ang ordinansa, na inakda ni Bise-Gobernador Boy Vargas, kasama si Third District Board Member Hon. Rosauro Rodrigo G. Resuello ay layuning dagdagan ang taunang stipend ng mga iskolar mula P7,000.00 hanggang sa P8,000.00 o mas mataas pa na halaga.
Ang nasabing hakbang ay isang pag amyenda sa Provincial Ordinance No. 2021-10- 025, na naipasa noong Nobyembre 24, 2021. Layunin nitong higit pang suportahan ang mga mag-aaral ng probinsiya na nangangailangan ng pinansyal na tulong sa kanilang pag-aaral. Sa ilalim ng bagong ordinansa, inaasahang madaragdagan ang kapasidad ng mga iskolar na tugunan ang kanilang mga pangangailangan sa eskwelahan, tulad ng pagbili ng mga libro, bayad sa matrikula, at iba pang mahahalagang gastusin.
Ayon kay Bise-Gobernador Vargas, ang pagtaas ng stipend ay napakahalagang hakbang upang matiyak na ang mga kabataang Cagayano ay makatatanggap ng sapat na suporta mula sa pamahalaan para makamit ang kanilang mga pangarap. Dagdag pa niya, “Ang edukasyon ang susi sa maunlad na kinabukasan ng ating lalawigan. Sa pamamagitan ng pagtaas ng stipend, umaasa tayo na mas maraming estudyante ang makakapagtapos at makakatulong sa pag-unlad ng ating komunidad.”
Ang ordinansa ay nagkamit ng malawakang suporta mula sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, na kinikilala ang kahalagahan ng edukasyon at ang papel ng pamahalaan sa pag-alalay sa mga estudyante.
Sa nalalapit na implementasyon ng bagong stipend scheme, inaasahang magdadala ito ng positibong epekto hindi lamang sa mga iskolar kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya at sa buong komunidad ng Cagayan.
#BusyGob
#KaibiganNgCagayano
About Gov.ph
Contact Us
About Gov.ph